Posts Tagged ‘disiplina’

Ikaw, Disiplinado?

23-08-08

Kamusta naman, WORLD?

(LAGOT, gumagamit ako ng dalawang lenggwahe sa isang pangungusap AT alam kong mali ito baka mababansagan akong coño o hindi marunong maging FLUENT.. haha!

dahil dito, mamarapatin kong magsulat sa aking kinalakhang wika kung saan ay maipapahayag ko ang aking saloobin! maaaring hindi ito naunawaan ng lahat ng magiging mambabasa subalit ito pa rin ang aking gagamitin! ngunit may pagkakataon naman na gagawa ako ng mga sulating nasa wikang Ingles naman.)

-MASIKIP!!

Ito ang sagot sa akin ng mundo! Oo. Marahil ikaw na nagbabasa nito ay naiinis na rin sa nagkalat na batang-paslit sa lansangan, mga lalaki at babaeng magkahawak ang kamay sa pasyalan, pulutong na estudyante sa silid-aralan at samu’t saring nilalang sa MRT na naggigitgitan.

Tama. Sa pampublikong mga sasakyan lalo na ang Manila Metro Rail Transit System o mas kilala sa tawag na MRT, ay isa sa mga patok na patok na sinasakyan ng mga mga tao ngayon. Isa itong tren na naglalaman ng mahigit 470,000 katao sa isang araw nitong operasyon. Malamig naman sa loob nito at masasabi kong maayos naman itong minimintena. Kaya lang, hindi talaga maiiwasan na may mga TAONG WALANG DISIPLINA na sumasakay rito.

Pauwi ako ng Quezon City, nagpasya akong magMRT dahil tipid (mula EDSA-North Ave na pumapatak lang ng 15php), malapit na sa amin ang sakayan at  walang sayang na oras dahil walang trapiko), nang nasa Buendia na ay nagkaroon ng kaunting problema. Kumakadyot-kadyot ang tren, nangamoy sunog na goma kaya napilitan kaming ibaba sa sumunod na istasyon. Sa Guadalupe, para kaming butil ng bigas sa sako, sa sobrang dami ng tao. Humingi naman ng paumanhin ang taga-MRT dahil may nangyari raw na ’slight train technicality’. Naunawaan ko naman talaga ang sitwasyon–walang perpekto! Hindi naman din ito masisisi sa mga taong nagpapatakbo ng tren.

Hindi ako nakapagpigil, “I WILL NEVER DO THIS AGAIN!,” napabulalas na lang ako ng ganito. May isang babaeng napatingin sa akin. Marahil, inisip niyang hindi ako madalas sa tren kaya naaasar ako sa aking kinahinatnan. Pero, ang isang lalaking namataan ko sa may parte namin ang nakakuha ng aking atensiyon. Naalala kong nasa lugar ako ng mga ‘babae, may kapansanan at mga bata’ kaya nagtaka ako at napaisip..

Wala ba talagang pinag-aralan, makasarili at walang pakialam sa kapwa si JUAN DELA CRUZ?

Napabuntong-hininga ako. Nakakalungkot ang katotohanan. Mayroong mga taong ganito ang ugali na makasarili at walang pakialam. Marami pa kasi ang hindi nakapasok pero, nakipagsiksikan siya at Imbes na sumunod ay sumuway. :(

Nakakadala ang mga ganitong pangyayari. Pero, maganda naman at nakakapagmulat ng mata ang mga ito. Salamat na lang at nakarating ako ng ligtas sa amin. Maaaring hindi na ako mag MRT sa susunod kong paguwi subalit hindi ko rin naman sinasabi na pang-habambuhay na ito (forever).

Ikaw na minsan nang nasakay sa MRT, huwag ka lang maging pasahero.. Ikaw ay maging DISIPLINADO… DISIPLINADONG PILIPINO.

-mrt gurl-

Tags:

23

08 2008